Ang librong ito ay walang copyright. Maaari itong ibahagi.
Isang libro tungkol sa pananatili sa bahay
Sa pagsilip sa bintana, baka ika’y nagtataka “Bakit nasa loob tayong lahat?”
Anong nangyari sa labas? Naroon pa rin ba ito? “May kumuha ba nito? Nasaan ang mga batang naglalaro?
Naku! Sa bahay muna naglalaro ang lahat!
Nilalaro ang paboritong laruan o nagbabahay-bahayan. O nagtutupi ng bangkang papel. O gumuguhit ng mga larawan.
O nagkukuwentuhan.
At baka tanungin mo,
Nasa bahay tayong lahat dahil may sakit ang ilan sa atin.
At kahit hindi masama ang pakiramdam mo, minsan ang pinakamabuting magagawa ay ‘wag munang makipagkita sa iba, sakaling sumama rin ang pakiramdam nila.
Dahil mahal natin ang isa’t isa, at para ipakita ang malasakit sa kapwa, hindi muna tayo magsasama-sama, habang nagpapagaling ang ilan sa atin.
Sa ngayon, pwede kang maghugas ng kamay para makatulong na hindi kumalat ang sakit.
Gaano katagal?
Kasing tagal ng pagkanta ng dalawang Happy Birthday.
Kung gusto mo, pwede kang magkunyaring kaarawan ng mga kamay mo!
Baka iniisip mo, anong mangyayari kung sasama ang pakiramdam ko?
O ng mga magulang ko?
Ang mga may sakit ay binibigyan ng gamot, mga librong mababasa habang nagpapagaling, mga bulaklak, at masustansiyang pagkain!
Baka sabihin mo,
“Pero naiinip na ako sa loob ng bahay! Bored na ako!”
Minsan nakakainip nga sa loob ng bahay. Ako rin, minsan kailangan kong umupo sa harap ng nakakainip na computer o makinig sa nakakainip na tawag o mag-ayos ng mga nakakainip na papel habang nag-iisip ng kung anu-ano pang nakakainip.
Pero may importante akong ipapagawa sa’yo. Kailangan kong tabuyin mo ang inip palayo.
Maglaro ka, o magbasa ng libro - ayaw iyan ng inip, o gumuhit ng larawan ng inip - pinaka-ayaw niya sa lahat ang ginuguhit siya!
Lalo na kung lalagyan mo ng tenga ng kuneho ang kaniyang ulo.
Mas matagal muna tayong magkakasama, at hindi muna natin makakasama ang mga kaibigan natin. Pero kung nalulungkot ka, pwede natin silang tawagan, pwede tayong makipagbiruan, at pwedeng sabay nating tabuyin palayo ang inip.
Pero sa ngayon, tayo’y magkasama, at pwede nating gawin ang lahat ng matagal na nating gustong gawin, tulad ng ayusin ang ating mga kwarto.
O gumawa na lang ng spaceship.
At kahit may kaunting gulo, magkasama tayo hanggang lumipas ito. Hindi muna natin magagawa lahat ng ating gusto, pero ito’y dahil gusto nating maging malusog at ligtas ang lahat.
Minsan baka natatakot ka, pero pinapangako kong kasama mo ako.
Hindi ko man masabi kung anong susunod na mangyayari, pinapangako ko, wala kang dapat alalahanin.
Magkakasama muli tayong lahat, malapit na.
Iba pang mga libro ni Iain S. Thomas
I Wrote This For You
I Wrote This For You And Only You
I Wrote This For You: 2007-2017
I Wrote This For You: Just The Words 300 Things I Hope
How To Be Happy: Not A Self-Help Book Intentional Dissonance
I Am Incomplete Without You
Every Word You Cannot Say*
Maraming salamat kung iyong binili ang libro, ngunit maaari rin itong ibahagi nang libre. Nabubuhay tayo sa kakaibang panahon at hindi madali ang gabayan at kausapin ang mga bata, kaya sana’y makatulong ang librong ito. Kung nais mong makatulong sa akin at sa aking pamilya, ibahagi ang librong ito o bilhin ang iba ko pang mga libro. Nawa’y patuloy kang maging ligtas.
- iain s. thomas